Kung mayroong usok, mayroong apoy. Kung may bagay na naaagnas, siguradong may maaamoy kang mabaho at masangsang sa ilong. Kung mayroong di pagkakaintindihan,  mayroong gulong nag-aabang.

Ganoon din kung merong balita na nakalathala, artikulo mula sa isang magasin, ingay sa radyo, mga dokyumentaryo sa telebisyon o kung ano mang pwedeng igisa’t gawing pangulong tudling, ay mayroong mga tao sa bawat likod ng istoryang naakapaloob dito. Sila ang mga tao sa midya; ang mga may maipupuri at may puso o yaong may mga katangiang di lubos mapantayan ng mga magagaling na artista.

Ang midya ay may maipupuri. Handa na ang kameraman sa kanyang tindig habang nakahimlay ang bimpos sa nakatabinging leeg at nakasandal sa kamerang pangkuha ng vidyu. Nakatayo naman ang isang babaeng may pormalidad pagdating sa damit at pananalita sa isang pangyayaring may sasakyang nabangga at tumilapon sa hardin ng kamote sa gilid ng flyover. Nananatili ang kameraman sa paghawak ng kamera sa gitna ng matinding sikat ng araw na kulang na lang ay pumasok sa kanyang kaugatan at tuluyang tuyuin ang dugo nito. Sila yaong mga taong sinasangla ang kanilang kaluluwa para lang maisagawa ang kanilang trabaho. At sila yaong mga taong kayang kunan ang isang tigreng lumalapa ng lamok o gawin ang sarili nilang ilaw sa gitna ng lungsod ng kawalan. Ito at lahat ay dahil ang midya ay may maipupuri.

Ang midya ay may puso. Isang manunulat ay nakatunganga sa kanyang papel sa loob ng tatlumpung minuto ng may bigla siyang  naalala. Pilit nyang binalik ang nakaraang ulirat at siyanga ring nakapormula ng isang mabisa at mapagpipitagang opinyon ukol dito. Ang balita ay tungkol sa isang demonyong babaeng nag-eedad limampo hanggang limampu’t limang taon na gumawa ng white slavery at ibinenta ang isang batang babae sa mga Arabo. Naging matapang siya sa pagsulat tungkol dito kahit na ito’y may posibilidad sa pagpapalabas sa mga baho ng trapos ng mga matataas na opisyal. Sila yaong mga taong iginisa sa panahon at oras. Madami ng mapanghusgang bibig ang sumigaw sa kanilang mga tenga. Sa kadalasan, naiiwang malamig na bangkay dahil lang pagsiwalat ng isang maliit na anomalya. Ngunit ito man at lahat-lahat na ay ‘di naging balakid upang gawin ang dapat gawin dahil ang midya ay may puso.

Maghunos-dili ka, sabi nga nila dahil sa mga taong makakabangga mo. Nababalahura man ang kanilang pagkatao, nababastos man sila at nasasaktan, tao pa rin silang gumagawa lang ng kanilang mga sinumpaan at siyempre, pinag-aralan ng ilang taong mga tungkulin para maisabuhay din ang kanilang mga pangarap. Mga pangarap na hindi lang umahon sa buhay, kundi yaong mga pangarap na aakay sa mga tao sa kanilang likuran gamit ang kanilang bunganga at umaasa sa pagkaing maipantutustos sa kanilang rin mismong mga bunganga.